~
Ilang araw na akong walang maisulat. Hindi rin naman kasi ako ganoon ka-creative para may maisulat sa kahit na anong bagay na makita ko. Hindi ko rin masabi na dapat inspirado ako para lang may maisulat. Hindi ko alam. Dahil ba sa schedule ng trabaho at nasasaid na laman ng utak ko? Dahil ba ilang araw na akong hindi makapagpatugtog o makapanood ng movies dahil sa nasira DVD player namin? Siguro. Siguro, maaaring may epekto rin ‘yon dahil kadalasan, mas gusto ko magsulat ‘pag may tugtog o may nakasalang na palabas sa player at pamaya-maya, meron akong natitingnan sa TV. Nu’ng sahod ko nitong Martes, nakabili na ako ng DVD player, pwede na. Sinubukan ko nitong Huwebes ng madaling araw at ‘eto ang nasulat ko. OO, itong binabasa mo ngayon. Pwede na ba ‘to? Damn..
Araw-araw, dumadaan ako sa Divisoria papunta at pauwi galing sa trabaho. Sa tanghali, napakaraming tao ang nakikisiksikan sa mga nagsisiksikang stalls ng kung anu-anong pwedeng mabili. Nakikisiksikan din ang halos ‘di na maka-usad na mga dyip. Marami ang dumadayo dito dahil lahat ng kailangan ng tao, narito. Mula sa mga damit, sapatos, mga bling-bling, gamit sa bahay, pagkain, piniratang DVD at CD, etcetera, na mabibili mo sa murang halaga. Name it, Divisoria have it, ‘ika nga. Wonders of Divisoria, pare.
Sa umaga naman, makikita mo ang “dark side” ng Divisoria. Mga tone-toneladang basura na iniwan ng nagdaang araw na siya namang pagpipiyestahan ng mga taong nasa basura lang ang ipinambubuhay. Mga napabayaan ng gobyerno na maging marumi, mabaho. Mga pinagkaitan ng tadhana. Mga tinalikuran ng bathala.
Halos karamihan din sa mga taong nabubuhay sa Divisoria ay kinabibilangan ng mga sanggano, tambay, adik (halos harap-harapan lang ang paglanghap ng rugby dito. May isa pa ngang “barker” na habang nagtatawag ng pasahero, pamaya-mayang lumalanghap ng rugby na nasa supot), holdaper, isnatser at mandurukot. Kaya isa rin ang Divisoria sa pinangingilagang puntahan ng ilang mga tao lalo na sa gabi para maka-iwas sa mga mapagsamantalang tamad maghanap ng matinong trabaho. Mga pinatigas ng panahon para sa laban ng buhay. Isang laban para mabuhay, sa paraang gaguhan.
Dito rin ang isa sa mga paboritong kanlungan ng mga pulubi. Mga gusgusing bata na nanghihingi ng limos sa mga pasahero ng dyip, sa tabi ng kalsada, sa mga naglalakad at maging sa mga kumakain. ‘Pag may nabigyan kang isa, magugulat ka at marami na ang susunod, parang mga langgam sa bilis ng impormasyon na merong himalang nagbigay sa isa sa kanila ng limos. Kanya-kanya ring raket. ‘Yung iba, may tangan-tangan pang bata at manghihingi ng pang-gatas. ‘Yung iba, depende rin sa okasyon tulad ng kapag magpapasko, ‘yung iba may dala pang drum set na gawa sa mga lata, sasabayan pa ng pagkanta ng mga awiting pampasko. Meron ding babasahan ka ng ilang linya mula sa bibliya sabay hingi ng “donasyon”, etcetera. Marami. Mga “survival techniques” ng tao para mabuhay.
Pero ang Divisoria, masasabing isa sa mga takbuhan ng mga taong kailangang magtipid. Lalo na sa mga panahon ngayon na halos malunod na ang mga Pilipino sa taas ng presyo ng mga bilihin, ng gasolina, ng tuition fee sa eskwelahan.. teka, tama na, nalulunod na rin ako. Tulad ng daga na aksidenteng nahulog sa timba namin na nasa kubeta. Nagkukumahog para iligtas ang sariling buhay. Saan kakapit? Kanino lalapit? Mukhang wala at kailangang magsikap sa sarili. Kanya-kanyang diskarte. Lalo na sa mga taong halos wala nang pag-asa, sa mga taong halos nakalimutan na ang mangarap.

a rat drowning haplessly
Para maibsan ang pagka-atat ko na makapanood ng movies at makapagpatugtog ng mga trip kong musika, bumili na ako ng hindi branded na DVD player sa Divisoria. At ngayon ngang sinusulat ko ito, nakasalang ang kantang “Damned Nation” ng bandang Dead Ends.
+
Alam kong itatanong mo rin kung ano nang nangyari sa daga na aksidenteng nahulog sa timba namin na nasa kubeta, ayun, god commandeth me to flush it through the ”inodoro”.
+